.jpg)
Luha...
Im sad...so sad...nagkita kami ng bestfriend ko last Sunday..sa church...nakita ko syang masaya, medyo tumaba, nakapula pa ang bruha...lumapit ako..nginitian nya ako..sabi nya kamusta ka na? Sabi ko ikaw ang kamusta na?
Sandali syang nanahimik...sabi nya Jules, can we talk later? Sabi ko sure!..Nakinig kami sa sermon, the speaker is talking about woman in the bible, ano ang naging partisipasyon ng babae sa buhay ng mga tauhan sa bibliya...Si Maria, Mirriam, Ruth, Ester etc etc..iba-iba ang naging buhay nila, iba-iba din ang impluwensya nila sa buhay ng mga tao noong kani-kanilang panahon na isinasaad sa bibliya...Nanahimik ako..nag-isip..Ano nga ba ang impluwensya ko sa buhay ng mga taong malapit sa akin? Ano ba ang naging partisipasyon ko upang maging kasangkapan ng pagbabago? Ano ba ang ginagawa ko upang magbago? bigla akong nanahimik...
Si Ate Connie kung sya ay tawagin, malakas, puno ng buhay, maasikaso, mabait, mataray kung minsan (wag mo lang syang babanatan ng parang bossy ka hehehe malilintikan ka ng taray nya!) matulungin..( as in sobrang matulungin!) kulang na lang na ibigay nya pati panty nya! hahaha! Si Ate Connie, madalas mong makikita sa tindahan nya, sa church, sa Divisoria, sa kalye..lakad dito, lakad dun, parang hindi napapagod, sobrang masipag at grabe ang dedikasyon sa pamilya, negosyo at kapwa..
Buhay sa aking isipan ang pagiging matulungin nya, sya ang dahilan kung bakit nanatili akong nasa "maayos kong kaisipan" sya ang sandalan ko at sandigan noong panahon na wala ako sa reyalidad ng buhay, wala ako sa hulog ika nga, wala ako sa kakayahang dalhin ang pagsubok na dumating sa buhay ko..mabigat..masaklap..mapait...
Siya yung tao na ang pagdarasal ay kaakibat ng pagdadala ng sarili, ng suliranin, ng pagsubok...tinuruan nya akong magdasal at manampalataya batay sa kung ano ang hindi ko kayang gawin..isigaw mo lang sa Kanya..di mo man makita ang kasagutan agad..sa pagdating ng panahon..mararamdaman mo..makikita mo..Tinuruan nya akong manampalataya at kumilos..Harapin ang hambalos ng pagsubok..at maging matatag na harapin kung ano man ang responsibilidad...
Natapos ang sermon, nakipag batian sumandali sa mga kakilala at umalis na kami ng simbahan. Pumunta kami ni Ate Connie sa bahay nya... Nagsimula na siyang magkwento... Jules sambit nya, mahinang mahina ang katawan ko noong nakaraang linggo.. may mabigat akong karamdaman... katahimikan...mabibigat ang mga terminong sinambit nya, hindi ko mabigkas potek ang lalalim na scientific terms e, basta ang nauunawaan ko may sakit sya sa kidney! At may kalalaan, 3rd stage of deterioration....
Hindi ako nagpakita ng takot sa kanyang kalagayan, ng pag aalala, ng pagiyak, pigil na pigil ko ang aking emosyon ng sandaling iyon.. pinilit kong pinakakalma ang sitwasyon, at gaya ng pagkakakilala nya sa akin, na laging nagpapatawa at lagi siyang pinangingiti yun pa rin ang nakita nyang Jules sa kanyang harapan. nagpapatawa at humahagikgik naman sya ng tawa sa mga baduy na jokes ko na may kasamang pag aarte ng mukha.
Pagkatapos ng dalawang oras nagpaalam na ako...pagbaba ko ng hagdan ng kanyang bahay, tumulo ang luha ko...ang hirap pala pigilan ang emosyon na kanina ko pa pinipigil na wag sumambulat. Mahirap ang emosyon na tinatago..mahirap ang emosyong hindi ipinapakita...iniyak ko..ang lahat-lahat ng emosyong kinimkim ko...ang sakit...ang sakit-sakit isipin na ang matalik mong kaibigan ay may malalang karamdaman...na hindi ko masalo ang sakit na nararamdaman nya, hindi maibabahagi ang sakit sa katawan na dulot ng sakit..na sya at tanging siya lamang ang maaring magdala, makaramdam, magsakripisyo at magdusa.
Walang isang salita na makakapaglarawan sa emosyon na nararamdaman ko ngayon..umiiyak ako..(bakit nga ba pag overpain o overjoy ka pagiyak ang tangi mong nagagawa?) iyak ng iyak...alam ko naman na pagkatapos ng pagiyak at pagtulo ng sipon ay matatapos na panandali ang sakit..Maya-maya makararamdam ng gutom at pagkapagod, at gagawin mo ang sinasabi ng katawan mong hoy! kumain ka na o di kaya'y matulog ka na!
Bakit nga ba kapag nakararamdam ka ng sakit ay ang hirap hirap huminga, feeling ko para akong mamatay, para akong nauupos..pero pagiyak pa rin ang nakakapagpaluwag ng kalooban ko...Bakit nga ba sa tuwing nakararamdam ng pagkalungkot, pag-aalala, pagkatakot ay luha ang lumalabas sa aking mga mata?
Siguro nga dapat parangalan ang taong umimbento ng pagiyak! O Diyos ba ang lumikha nito? Dapat syang parangalan dahil naisip nya na ang pagiyak ay naging sandata ng tao "to cope up the pain"! Para sa ekspresyong ng sobrang sakit o sobrang tuwang emosyon ay nailalabas ito...Isama mo na ang sabay na pagtulo ng sipon..
Siguro nga dahil sa mga luhang ito pansamantalang naiibsab ang sobrang sakit na nararamdaman ko, siguro kung dugo ang mga luhang tumutulo sa aking mga mata matagal na akong namatay! Hindi lang balde baldeng luha...drum-drum pa...
Salamat sa mga luha..salamat sa umimbento ng luha, salamat sa mga taong dahilan ng pagluha, sa mga bagay na naging dahilan ng pagluha. Salamat sa panahon na ako'y lumuluha ay may panyo akong dala. Salamat sa nakaimbento ng tissue na kapag basang basa na ang panyong dala ay may kapalit na pamahid sa mata...Salamat sa luha dahil panandaliang nakakapayapa ng damdaming masakit, masaklap...Salamat..salamat luha..